Ipinag-utos nitong nakaraan ni Manila Mayor Honey Lacuna na kailangang magsuot ng mask ang mga kawani at pupunta sa loob ng Manila City Hall at nitong nakaraan ay pinapaalalahanan na ng mga guwardiya ang mga papasok sa loob ng city hall na magsuot ng mask o kaya naman ay tiyakin na maayos itong nakatakip sa ilong at bibig.
Namamahagi rin ng libreng facemask sa walang suot nito.
Ayon kay Lacuna, mandatory na umano ang pagsusuot ng mask ng mga empleyado ng Manila City Hall at mga residenteng magtutungo rito bunsod ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lungsod.
“Ang hindi po kagandahan, ang patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID dito po sa ating lungsod kaya po simula sa araw na ito, mahigpit nating ipatutupad ang pagsusuot ng facemask sa loob ng inyong mga tanggapan at sa lahat ng dadayo sa Manila City Hall,” sabi ni Lacuna.
Sa tala ng lokal na pamahalaan ng Maynila nitong Mayo 15, may 217 aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod.
Pinakamarami ang mula sa Tondo First District na may 41 kaso. Sinundan ito ng Sampaloc na may 34 kaso at Sta.Mesa na may 30 kaso.
Bumaba na ang naitalang kaso ng COVID-19 kumpara sa 220 active cases noong May 13, pero mas mataas sa 201 active cases noong May 11 at 199 active cases noong May 10.
Nilinaw naman ni Lacuna na sakop lang ng kautusan ang mga empleyado at mga residente sa may transaksyon sa Manila City Hall.
“Sa atin lang pamahalaan ng Lungsod ng Maynila. Sa lahat po ng inyong tanggapan at sa lahat po ng mga pumupunta sa inyong mga tanggapan. Baka kami magkamali na naman po ha, sa atin lang po iyan,” paglilinaw ng alkalde.
Para sa mga residente ng Maynila, wala namang mawawala kung susunod sila sa panuntunan ng lokal na pamahalaan. Isa lamang itong parte ng pag-iingat laban sa pagkalat pa ng nakamamatay na respiratory disease.