Bagamat nagluluwag na ang Pilipinas ng mga COVID-19 protocols, hindi pa rin maikakaila na nariyan pa rin ang pandemya dahil may mga ulat na naglalabasan na unti-unti na namang tumataas ang bilang nang mga nahahawa ng nakamamatay na sakit.
Sa National Capital Region, halos may mga naitatalang libong nahahawa kada linggo kahit pa sinasabi ng Department of Health (DoH) na hindi pa rin ito dapat ikabahala dahil malayo pa umano ito sa threshold na itinalaga ng World Health Organization (WHO).
Pero hindi dapat isantabi ang pagdami ng mga naitatalang kaso, dahil hindi pa rin nawawala ang banta ng COVID-19.
Gaya nitong nakaraan, sinuspinde nang isang linggo ang in-person o face-to-face classes sa isang eskuwelahan sa Cabatuan, Isabela matapos magpositibo sa Covid-19 ang ilang guro at estudyante.
Noong Huwebes inumpisahang ipatupad ang suspensiyon sa Cabatuan National High School sa Barangay Del Pilar alinsunod sa utos na inilabas ni Mayor Mayor Bernardo Garcia Jr.
Dahil dito, balik muna sa blended na online at modular learning ang pag-aaral ng aabot sa 2,224 estudyante hanggang Mayo 17.
Ayon sa school principal, 11 guro at 2 estudyante ang naitalang positibo sa COVID-19 noong Miyerkoles.
Sumailalim na umano ang mga nagpositibo sa isolation habang patuloy ang contact tracing sa mga nakasalamuha nila. Inaalam din kung paano nagkaroon ng COVID-19 infection sa paaralan.
Patuloy naman ang pagpasok ng ibang teaching at non-teaching staff upang ma-monitor ang distance learning.
Nagpaalala naman ang lokal na pamahalaan sa mga residente na mag-ingat at sumunod pa rin sa minimum health standards, lalo’t tumaas ulit kamakailan ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
Hindi pa rin natatapos ang pandemya, kaya dapat mag-ingat pa rin ang lahat.