Iniulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) na isa ang namatay habang nasa apat ang nasugatan nang sumiklab ang isang sunog sa Oroquieta Street sa Sta. Cruz, Manila madaling araw ng Linggo.
Ayon sa mga ulat, natagpuan ang nasawi sa kapilya ng Barangay 310 habang may naiulat ring dalawang tao ang nawawala kasunod ng sunog.
Aabot sa 1,200 pamilya at 400 bahay ang apektado ng sunog sa Oroquieta Street, ayon sa BFP.
Bandang alas-6:43 ng umaga nang madeklarang under control ang sunog na sumiklab alas-2:49 ng madaling araw. Bandang tanghali naman nang magdeklarang fire out ang mga bombero.
Ayon sa BFP, nahirapan silang patayin ang apoy dahil sa sobrang sikip sa lugar.
“Nandyan ‘yong napakalaki ng apoy, napakausok, napakadaming tao. Wala nga kaming possible na daanan para pasukin kagad ‘yong nasa likod kaya napakahirap talaga ng situwasyon namin para maapula ang apoy,” saad ni Senior Fire Inspector ALejandro Ramos.
Tinatayang nasa P1.5 milyon ang halaga ng ari-ariang naabo.
Dahil madaling araw at marami ang natutulog nang mangyari ang sunog, marami sa mga residente ang hindi na nakapagsalba ng kanilang gamit.
Nakapagbigay na ng paunang tulong tulad ng pagkain at tubig ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa mga nasunugan.
Inaayos din umano ng mga opisyal ng Barangay 301 ang pansamantalang tutuluyan ng mga apektadong residente.
Samantala, pansamantalang naantala ang operasyon ng LRT-2 Recto Station matapos magsagawa ng clearing at safety assessment.
Naapektuhan kasi umano ng sunog ang power supply at signaling systems ng naturang istasyon.
Pero ayon sa pamunuan ng tren, hindi pa maaaring daanan ang connecting bridge mula Recto Station papuntang Doroteo Jose Station ng LRT-1, na apektado rin ng sunog.
Inabisuhan umano ang mga komyuter na dumaan muna sa ibaba o kalsada habang isinasaayos pa ang tulay.