Ngayong umaarangkada na ang 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia, ganado na ang mga atletang Pinoy na ipamalas ang kanilang galing laban sa ating mga karatig-bansa.
Bagama’t hindi lahat ay nagtagumpay, may ilan pa ring mga atleta ang kuminang nang makopo nila ang pinakaasam na ginto sa biennial meet.
Pero bago pa ang SEA Games, talagang hindi na matatawaran ang galing ng mga Pilipino sa iba’t ibang larangan ng palakasan kung saan marami na ang umani ng tagumpay at naging kilala sa bawat sulok ng mundo.
At nitong nakaraan lamang ay ilang world-class Filipino athletes na lumahok sa iba-ibang sporting events sa Doha kasabay ng pagdiriwang ng International Day of Sport for Development and Peace kamakailan.
Ang mga lumahok sa International Day of Sport for Development and Peace na naglalayong makapangalap ng suporta at masolusyonan ang ilang isyu sa sports tulad ng gender parity, mga oportunidad sa differently-abled individuals at pagsulong sa UN Sustainable Development Goals ay nagpamalas ng kanilang galing.
“Scoring for People and the Planet,” ang naging tema ng pagdiriwang ngayong taon. Isa sa mga nagbigay ng karangalan sa Pilipinas ang Filipino gymnastics sensation na si Carlos Yulo.
Mismong si Philippine Ambassador to Qatar Lillibeth Pono ang nanood sa Aspire Dome sa Doha nang hakutin niya ang tatlong medalya; gold sa floor exercise, silver sa parallel bars at bronze sa vault.
Naungusan ni Yulo ang kanyang mga karibal sa nasabing events para makuha ang slot sa Paris 2024 Summer Olympics. Umaapaw ang kasiyahan ng mga Pilipinong nakasaksi sa tagumpay ni Yulo sa Doha.
Nanggaling din sa Doha noong Marso ang Philippine men’s national football team, ang Azkals. Pinangunahan ni team captain Neil Etheridge ang Azkals sa Qatar para sa kanilang friendly match kontra Jordan sa Saoud bin Abdulrahman Stadium.
Talagang pagdating sa palakasan, hindi magpapahuli ang mga Pinoy at talaga namang hindi matatawaran ang galing ng mga kababayan natin pagdating sa mga kompetisyon.