Aminado ang aktres at singer na si Kyline Alcantara na talagang iniwasan niya noon ang rumored boyfriend niyang si Mavy Legaspi dahil umano sa nararamdaman niya para sa TV host-actor.
Ayon sa dalaga, pinilit niyang huwag masyadong seryosohin ang feelings niya para sa binatang anak nina Carmina Villarroel at Zoren Legaspi.
Mismong si Kyline ang nagbuking sa kanyang sarili nang tanungin siya ng mommy ni Mavy na si Carmina tungkol dito sa nakaraang episode ng “Sarap, ‘Di Ba?” at inusisa talaga ni Carmina ang dalaga.
“Totoo bang may time na iniwasan mo si Mavy dahil masyado kang na-overwhelm sa nararamdaman mo noon?” tanong ni Carmina.
“Totoo po. Nagpapansinan pa rin po pero hindi ko in-entertain ‘yung kung ano mang ibinibigay niya sa akin,” saad ni Kyline at dagdag niya, umiwas siya kay Mavy dahil hindi raw siya sanay sa ganoong klaseng treatment o pakikitungo sa kanya ng isang lalaki.
“Kasi po hindi po ako sanay na ganoon ‘yung isang tao or isang lalaki sa akin. Grabe po kasi si Maverick. For example, love letters, mga ganyan. Hindi lang po sa akin, pati rin po sa pamilya ko. Wala pa pong nakakapagtrato sa akin ng ganoon,” paliwanag pa ni Kyline. “Hindi ko po alam paano siya i-deal.”
“Nalaman namin na iba na yung level ng nararamdaman namin, siguro noong iba na yung pakikitungo namin sa isa’t isa. I mean, parang best friend pero parang more on, like… alam mo yung meron sense of clinginess, affection, ganu’n. Ayun na yung time na parang lagi mo na siyang hinahanap-hanap,” sabi pa ng dalaga.