Kumakalat ngayon sa social media ang isang post kung saan nakita umano ang aktres na si Maxene Magalona na may kasamang lalaki at ayon sa mga netizens, mukhang may something sa dalawa.
Ang tanong pa nga ng ilan, natagpuan na nga kaya ng aktres ang taong magpapasaya sa kanyang puso makalipas ang mahigit isang taon ng pagiging single.
Base sa kumalat na video, magka-holding-hands-while-walking sa isang mall sa Greenhills, San Juan ang dalawa na parang walang pakialam sa mga taong nakakakita at nakakakilala sa kanila.
Makikita umano sa post na naka-black shirt at brown pants ang guy at mahigpit niyang hawak ang kamay ni Maxene habang nagmo-malling.
Paliwanag naman ng uploader, hindi naman daw niya sinasadyang ma-video si Maxene at ang kasama nitong lalaki. Kasalukuyan daw siyang nagpo-promote ng ibinebentang cellphone nang mapadaan ang mga ito sa kanilang store.
Samantala, bukod dito, may isa pang TikTok video ang lumabas sa socmed na kuha pa last March 11, kung saan makikita rin si Maxene na kasama ang nasabing lalaki habang naglalakad sa Greenhills matapos daw bumili ng cellphone.
Naka-black and white stripe crop top shirt ang anak ng yumaong Master Rapper na si Francis Magalona habang nakasuot naman ng brown long sleeves at black short ang lalaki.
Ayon sa mga ulat, DJ daw sa isang bar ang lalaki at ang name raw nito ay “Geoff Gonzalez.” Sabi pa ng ilang netizens naka-follow sa isa’t isa ang rumored couple sa Instagram.
May nagbuking pa na kasama rin daw ni Maxene ang rumored boyfriend nang magbakasyon siya kamakailan sa El Nido, Palawan.
More than one year na ngayong single si Maxene matapos silang maghiwalay ng kanyang ex-husband na si Rob Mananquil.
Twice na nagpakasal sina Maxene at Rob — una, sa isang intimate church wedding sa Santuario de San Antonio Parish sa Forbes Park, Makati City, noong January 8, 2018 at pangalawa, sa isang beach wedding sa Boracay noong January 11, 2018.
Apat na taon ding nagsama sina Maxene at Rob bilang mag-asawa.