Iniulat ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na nakabalik na sa Pilipinas nitong Linggo ang mga labi ng apat na overseas Filipino workers (OFW) na nasawi nang masunog ang pinapasukan nilang food factory sa Taiwan noong Abril.
Sinamahan ng mga kawani ng OWWA at Manila Economic and Cultural Office (MECO) ang pamilya ng mga biktima para kunin ang mga labi at maiuwi sa kani-kanilang lalawigan.
Ayon kay MECO chairman Silvestre Bello III, nasawi dahil sa suffocation ang mga biktima.
Nauna nang kinilala ang mga nasawi na sina Renato Larua mula sa Cavite; Nancy Revilla ng Marinduque; Aroma Miranda ng Tarlac, at Maricris Fernando ng La Union.
Apat na iba pang Pinoy ang nasaktan sa naturang sunog sa pabrika ng Lian-Hwa Foods Corporation sa Changhua county noong Abril 25.
Dati nang tiniyak ni Bello na makakakuha ng tulong ang pamilya ng mga biktima mula sa pamahalaan ng Pilipinas at Taiwan.
Kung matatandaan, tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang kaligtasan at may nakalatag na contingency plan para sa mga OFW sa Taiwan.
Inihayag ito ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega makaraang sabihin ni Chinese Ambassador Huang Xilian na dapat isipin ng Pilipinas ang kapakanan ng 150,000 OFWs sa Taiwan sa harap ng pagpapalakas ng ugnayan ng Pilipinas at Amerika.
Dapat dapat tutulan ng Pilipinas ang isinusulong na kasarinlan ng Taiwan, na sinasabi ng China na bahagi ng kanilang teritoryo bilang isang lalawigan.
“Importante ang presence ng Filipino workers abroad. I don’t think he meant, nobody means they are going to harm our workers. Not at all. Do they mean they won’t hire anymore?” sabi ni De Vega.