Hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakabangon ang bansa sa patuloy na pagtaas ng mga presyo ng pangunahing bilihin at ng presyo ng langis sa bansa kaya ibayong hirap talaga ang nararanasan ng sambayanan.
Pero nito lamang, panibagong pasakit na naman ang mararanasan lalo na ng mga mayroong negosyong kainan, dahil naiulat na tumaas ang presyo ng sibuyas at gulay sa Quezon City.
Kung dati nasa P120 lang ang presyo ng sibuyas kada kilo noong mga nakaraang buwan, ngayon umaabot na ito sa P160 hanggang P180.
Hindi pa masabi ng ilang nagtitinda sa Nepa QMart ang rason ng pagtaas sa presyo ng sibuyas, pero ang nakikita nilang rason ang kakulangan ng supply ng imported na sibuyas.
Sa ngayon kasi, mga lokal na sibuyas ang marami ang supply.
Problema naman ng ilan sa lokal na sibuyas dahil marami ang mga bulok sa deliveries. Kaya para makabawi, tinataas nila ang presyo.
Samantala, nasa P10 hanggang P20 kada kilo ang itinaas sa presyo ng ilang mga pangunahing gulay.
Sa mga gulay Tagalog naman may nasa P15 kada kilo ang itinaas.
Kung tumaas naman ang presyo ng mga gulay may good news kahit papano dahil ang presyo ng itlog bumaba na.
Nasa P0.50 ang binaba nito kaya may mabibili nang P7 kada pirasong itlog.
Habang ganito ang nangyayari sa bansa, walang ibang magagawa ang sambayanan kundi higpitan na naman ang sinturon at maghanap ng iba pang paraan kung paano pa makakatipid sa araw-araw.