Hindi pinalampas ng aktres na si Xyriel Manabat ang mga netizens na nambabastos sa kanya lalo na yung mga nagko-comment sa kanyang mga social media accounts na may malisya.
Ayon sa dalaga, gumagawa na umano sila ng legal action at kasabay nito ay nagpa-therapy na rin umano siya dahil sa pambabastos at panghaharas sa kanya ng mga netizens.
Apektado ang mental health ng dating child star sa mga nababasa at nakikita niya sa social media kung saan ginagamit ang mga litrato niya para bastusin siya.
Sa edad na 19, marami nang na-encounter na kanegahan ang dalaga sa socmed lalo na noong menor de edad pa siya, partikular na nu’ng mag-post siya ng kanyang mga pictures noong September, 2020.
Grabe ang natanggap niyang comments mula sa mga kalalakihan nang bumandera ang kanyang litrato kung saan nakasuot siya ng manipis at body hugging white T-shirt.
May mga tumawang sa kanya ng “bold star”, “sobrang laki ng boobs” at “kamanyak-manyak.”
Sa YouTube channel ng Star Magic, mapapanood si Xyriel na binabasa at nagkokomento sa mga hate and toxic message ng mga bashers at haters.
Sa isang bahagi ng vlog ay natanong ang dalaga kung ano ang isang komento na nabasa niya sa social media na talagang ikinasama niya ng loob at nakaapekto sa kanyang mental health.
“Ginagamit nila yung picture ko. Tapos ie-edit nila na parang nakahawak sila sa private part ko, ganu’n. And minsan yung mga comment du’n parang bina-validate na, ‘E, kasi ganyan naman ang suot, e.’ E, dyina-justify na, ‘E, kamanyak-manyak naman kasi talaga, e,’” sabi ni Xyriel.
“Maaapektuhan at maaapektuhan po ako kasi hindi lang po iyon pagko-comment o pagba-bash. Binabastos po nila ako and ino-objectify. Sine-sexual assault nila ako in a way. Hindi po yon dapat pinapalagpas. Na-overcame ko po siya. Gumawa po kami ng legal action and nag-therapy po ako sa mga ganu’n kong nababasa and nakikita. Kasi kailangan kong i-prioritize ang mental health ko, kasi hindi po talaga helpful ang ganu’ng nakikita ko,” dagdag pa niya.
“Nakita nila yung pictures ko, nakasuot naman ako ng t-shirt tapos shorts. Actually, yung t-shirt na yon medyo manipis. So ang ginawa ko, nagsuot pa po ako ng sando sa loob,” sabi pa ng dalaga.
“Hindi ko po nakikita kung bakit nila dyina-justify na kabastos-bastos. Bakit hindi lang nila ikorek na kahit kailan hindi magiging tama ang pag-o-objectify ng tao, babae man o lalake, minor man o hindi. And minor po ako nung naranasan ko ito. I was 16 nu’ng naranasan ko ito. Tapos sobrang na-alter niya yung utak ko, yung thinking ko. Kasi medyo marami-rami po akong napagdaanan du’n and marami po akong nakasangga na… kasi ayoko ng nagpapatalo ako kapag ako yung nasa tama. Marami po akong binangga na alam kong kailangan kong i-educate, especially yung close-minded persons,” dagdag pa ni Xyriel.