Aminado ang aktres na si Carla Abellana na hindi isyu sa kanya kung mother role na ang ginagampanan niya sa pinakaaabangang live action version ng classic Japanese anime na “Voltes V: Legacy“.
Si Carla ang gaganap bilang si Mary Ann Armstrong sa “Voltes V: Legacy” na siyang nanay ng tatlo sa mga miyembro ng Voltes V team na sina Steve, Big Bert at Little Jon.
Ayon pa sa kanya, excited siya nang mapili siya para sa role na nanay ang gagampanan niya kahit wala pa siyang anak.
“Nakakatuwa, lalo na kasi iba-iba sila ng personalities, yung tatlong Armstrong boys, iba-iba ng special abilities or ng talents, kanya-kanya, iba-iba po. Medyo extremes, may isang napakakulit, may isang napakasobrang talino, may isa namang medyo matikas or yun bang very stern, very ano siya, serious, yung ganu’n, serious si Steve Armstrong,” sabi ni Carla.
“So iba-iba sila and nakakatuwa kasi tama lang yung blend. Tama lang actually yung combination of the three Armstrong boys and Mary Ann Armstrong, so hindi po ako nahirapan,” dagdag niya.
“Siguro as a real-life Mary Ann Armstrong, kahit sino mahihirapan po sa ganu’ng role. Pero ako sobrang na-enjoy ko po yun, talagang super favorite ko sila. And iba-iba din po kasi sila in real life, and I really enjoyed working with the three boys,” sabi pa ng aktres.
Bukod kina Carla at sa tatlong gumaganap na anak niya sa serye, ang dalawa pang miyembro ng Voltes V team ay sina Miguel Tanfelix bilang Steve Armstrong at Ysabel Ortega bilang Jamie Robinson.
Mapapanood rin sa “Voltes V: Legacy” sina Martin del Rosario bilang Prinsipe Zardoz, Liezel Lopez bilang Zandra, Gabby Eigenmann bilang Commander Robinson, Neil Ryan Sese bilang Dr. Hook, Epi Quizon bilang Zuhl, Albert Martinez bilang Dr. Richard Smith, Max Collins bilang Rosalia, Carlo Gonzales bilang Draco, at Dennis Trillo bilang Ned Armstrong, at marami pang iba.