Sa pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Estados Unidos, napag-usapan na umano nila ni United States President Joe Biden ang mas matatag na alyansa sa pagitan ng Pilipinas at Amerika sa kanilang pulong sa White House.
Sa one-on-one meeting nitong madaling-araw ng Martes, iginiit ni Marcos Jr. ang kahalagahan ng patuloy na pagpapatatag ng alyansa at partnership ng mga bansa at sa gitna ng mga hamon, natural lang umano para sa Pilipinas na tumingin sa Amerika na nag-iisang treaty partner nito sa mundo.
Layon ding patatagin ang relasyon ng dalawang bansa at linawin ang magiging papel ng mga bansa sa gitna ng mga tensiyon.
“There are also issues, geo-political issues that make the region where the Philippines is possibly, arguably, the most complicated geo-political situation in the world right now,” saad ni Marcos.
“So it is only natural that the Philippines look to its sole treaty partner in the world to strengthen and to redefine the relationship that we have and the roles that we play in the face of those rising tensions that we see now around the South China Sea, and the Asia Pacific and the Indo-Pacific regions,” dagdag niya.
Si Biden naman, siniguro na na nananatiling matatag ang pangako ng US sa Pilipinas na depensahan ang bansa, kabilang na sa South China Sea, sa gitna ng umiigting na tensiyon sa rehiyon.
Sa gitna ng mga tensiyon, wala umanong ibang naiisip si Biden na mas magandang partner para sa Amerika kundi ang Pilipinas, kung saan mayroon itong malalim na pagkakaibigan.
Nangako rin si Biden na patuloy na susuportahan ng Amerika ang modernisasyon ng militar ng Pilipinas.
“We are facing new challenges. And I can’t think of any better partner to have than you. I could not agree more that we have to, this relationship has to continue to evolve,” sabi ni Biden.
“The United States also remains ironclad, remains ironclad in our commitment to the defense of the Philippines, including the South China Sea. And we are going to continue to support the Philippines’ military modernization goals,” dagdag niya.
Inanunsiyo rin ni Biden na magpapadala siya ng isang presidential trade and investment mission sa Pilipinas, na tinawag niyang “first of its kind.”
Samantala, nakipagpulong din si Marcos sa mga miyembro ng Filipino community sa Ritz Carlton Hotel sa Washington DC.
Sa kaniyang talumpati, pinasalamatan ni Marcos ang mga Pinoy sa kanilang dedikasyon at serbisyo na nagbigay ng magandang pangalan sa bansa.
Layon umano niyang makabalik ang mga Pinoy sa Pilipinas nang mas maayos na ang pamumuhay at serbisyo-publiko sa bansa.