Nagsimula na nitong Martes ang pilot run ng single ticketing system sa pitong lungsod sa National Capital Region at sa ilalim nito, magiging standardized na ang karampatang multa ng karaniwang nalalabag na batas trapiko, tulad ng paglabag sa number coding scheme at tricycle ban na may multa na P500.
Ang mga hindi sumunod sa traffic signs o mag overspeeding ay P1,000 naman ang penalty.
Papayagan na rin ang pagbabayad ng multa online para hindi na mahirapan ang motorista na dumayo sa siyudad kung saan siya nahuli.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) spokesperson Melissa Carunungan, ipapatupad muna ito sa mga piling lugar para matukoy kung may kailangang baguhin bago ito ipatupad sa buong bansa.
Dagdag pa ni San Juan Mayor at Metro Manila Council President Francis Zamora, napili ang pitong lungsod na ito dahil maayos na ang kanilang IT system.
“Kasi ngayon meron na tayong existing integrated systems. So ang ibang lungsod naman po ay currently integrating, iba-iba kasi ang mga IT systems ng mga (local government units) bago nagsimula ang single-ticketing system,” saad ni Zamora.
Sang-ayon naman ang ilang motorista sa bagong sistema na magpapabilis umano ng kanilang mga biyahe at paiigtingin ang disiplina sa kalsada dahil magkakaroon ng demerit points ang mga lalabag sa batas trapiko.