Iniulat ng Philippine Army nitong Linggo na namatay sa engkwentro ang pitong hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Northern Samar ngayong Linggo.
Ayon sa ulat ng militar, nasa 40 hinihinalang miyembro ng NPA ang nakasugapa ng mga tropa ng 803rd Brigade sa kabundukan ng Barangay Santander sa bayan ng Bobon at matapos ang putukan ay nakuha ng militar ang pitong bangkay at mga rifle.
Ayon sa militar, isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon mula sa mga sibilyan na may mga armadong lalaking dumaraan sa barangay.
Nasa 40 armadong miyembro umano ng Sub-Regional Guerilla Unit (SRGU) at Front Committee-2 (FC-2), Sub-Regional Committee (SRC) Emporium, Eastern Visayas Regional Party Committee (EVRPC) sa ilalim ng pamumuno ni Mario Sevillano alyas Durok ang nakaengkuwentro ng militar.
Patuloy ang isinasagawang clearing operation sa lugar at hinahabol ang mga nakatakas na iba pang hinihinalang rebelde.
Nanawagan naman ang alkalde ng Bobon na si Mayor Reny Celespara sa iba pang mga rebelde na sumuko na.
“Sa mga kapatid natin na patuloy na lumalaban sa gobyerno, ako ay nakikiusap na kayo po ay mag surrender at tumulong sa mga inisyatiba ng ating gobyerno, at sa mga naliligaw ng landas na mga kapatid, sa mga sugatan kayo po ay magsurrender na. Ang gobyerno lokal, probinsya, at national ay naririto po, handang tumulong sa inyong pagbabagong-buhay at upang maipagpatuloy ang progreso ng ating bayan para sa inyong pamilya at sa buong bayan,” saad ni Celespara.
Ito ang pinakabagong insidente ng engkuwentro sa pagitan ng mga tropa ng pamahalaan at hinihinalang mga rebelde.
Magugunitang noong nakaraang linggo ay iniulat ng Philippine Army na napatay sa isang engkuwentro sa Negros Occidental ang isang mataas na opisyal ng NPA.