Nag-uulan ng mga higanteng hailstone na kasing laki ng bola ng baseball sa Dublin Texas nitong nakaraan na nagdulot ng pinsala sa mga kabahayan at mga sasakyan.
Sa isang video, makikita ang pagbagsak ng mga higanteng yelo sa swimming pool at makikita rin ang isang baka na tumatakbo para maiwasan ang naglalakihang hail.
Umulan din ng yelo sa Palm Bay, Florida na sinabayan pa ng malakas na hangin.
Ayon sa lokal na media, nawalan ng kuryente ang ilang bahay at nagtamo ng mga pinsala.
Mula nitong Abril 27, araw sa Amerika, wala pang naiuulat na malubhang nasugatan dahil sa hailstorm.
Ilang araw nang binabayo ng “freak weather” ang iba’t ibang bahagi ng Amerika.
Nito ring Abril 19, inulan ng yelo na kasing laki ng golf balls ang ilang lugar sa Oklahoma.
Sinabi ng National Weather Service doon na patuloy na mararanasan sa katimugang Amerika ang severe weather na maaaring magdulot ng malalakas na buhawi, pagbagsak ng naglalakihang hail, at mabibigat na pag-ulan.
Pinaalalahanan din ang mga residente sa posibilidad ng flash flood, landslide, at pinsalang posibleng idulot ng malalakas na hangin.