Nitong nakaraan ay naiulat na nagkakaroon na ng kakulangan sa supply ng plastic cards na ginagamit para sa driver’s licenses at umani ito ng batikos dahil bukod sa hassle na ay papel muna ang ginawang temporary license.
Pero hindi pa rito natatapos ang problema dahil nakaamba naman ngayon ang kakulangan umano ang mga plaka para sa mga sasakyan.
Ayon sa Land Transportation Office, nasa isang milyong plaka na lang ang suplay nila sa buong bansa para sa mga sasakyan, habang 300,000 naman para sa motor vehicles.
“Ang projection ng LTO, motor vehicles plates to last until July; motorcycle until June of this year,” saad ni LTO chief Jay Art Tugade.
Sa gitna ng problemang ito, nagbabala ang LTO na hindi puwedeng basta-bastang mag-print o gumawa ng sariling plaka.
Dagdag pa ng ahensya, ang pinapayagan lang ay mga temporary plate na galing sa casa kapag bumili ng bagong sasakyan.
Kung sakali namang nawala, nanakaw o nasira ang plaka, kailangan muna pumunta sa LTO at mag-apply ng ‘authorization to use improvised plate’ bago magpagawa ng sariling plaka.
Dito, bibigyan sila ng dokumentong ipapakita nila kapag nahuli ng mga enforcer dahil sa kakaibang license plate.
Bawal din umano ang bumili ng plakang ibinebenta online.
Department of Transportation na ang mangunguna sa procurement ng mga bagong plaka at maging ng mga lisensiya dahil mahigit P50 milyon ang halaga ng mga bid dito.
Ngunit na-postpone pa ang submission ng bids mula Abril 24 papuntang Mayo 24.
Sana lamang ay magawan na talaga ng mga concerned agencies na masolusyunan ang problemang ito, dahil hassle na talaga ito para sa ating mga motorista.