Iniulat ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) sa Taiwan nitong Huwebes na tatlong overseas Filipino workers ang nasawi habang nasa lima naman ang sugatan makaraang masunog ang isang food factory sa nasabing bansa.
Ayon kay MECO chairperson Silvestre Bello III, ang mga nasawi na sina Renato Larua mula sa Cavite; Nancy Revilla ng Marinduque; at Aroma Miranda mula sa Tarlac at naipaalam na umano sa pamilya ng mga biktima ang nangyaring trahediya.
Dagdag niya, nangyari ang insidente sa ikalawang palapag ng Lian-Hwa Foods Corporation sa Changhua county sa central Taiwan dakong 6 a.m. nitong Martes.
“My heart goes out to them in their hour of extreme sorrow,” pahayag ni Bello sa kaniyang pakikidalamhati sa pamilya ng mga biktima.
Tiniyak naman ng MECO ang tulong na ibibigay ng pamahalaan ng Pilipinas at Taiwan para sa pamilya ng mga biktima.
“We are in close coordination with police authorities regarding the incident and investigation, and the swift repatriation of the remains of those who died,” saad ni Bello.
Samantala, ang mga nasugatang Pinoy ay sina Sheila May Abas, Jessie Boy Samson, Maricris Fernando, Rodel Uttao at Santiago Suba Jr. at lahat sila ay dinala sa ospital.
Ayon kay Bello, maliban kay Fernando na nasa intensive care unit (ICU), maayos at “stable” ang kalagayan ng mga nasugatan.
“They are still under observation in different hospitals. They suffered severe carbon monoxide poisoning and are currently undergoing hyperbaric oxygen therapy,” paliwanag ni Bello, bumisita sa mga Pinoy sa ospital.