Aminado ang aktres na si Jennica Garcia na talagang grateful siya at nakasama siya sa cast ng Kapamilya hit revenge series na “Dirty Linen.”
Pero ayon sa kanya, hiyang-hiya siya sa tuwing haharap na siya sa mga camera para gampanan ang role niya kahit pa itinuturing niyang isang big blessing ang mapabilang sa cast ng naturang serye dahil ito ang unang pagkakataon makalipas ang ilang taon na nabigyan ng bonggang project.
Aminado rin siyang napakahirap para sa kanya ang gumanap bilang si Lala Millado at talaga umanong inatake talaga siya ng matinding nerbiyos nang ibigay sa kanya ang naturang project.
Dating sexy dancer sa bar si Lala kaya naman kinailangan niyang magsuot ng mga sexy outfits lalo na sa mga flashback scenes at talagang nag-ipon siya ng tapang para ma-pull off ang kanyang mga daring scenes.
“Nandu’n po yung kaba talaga. Lalo na yung sinabi sa akin yung history ni Lala, nagtatrabaho siya sa bar, na prostitute siya,” saad ni Jennica sa isang panayam.
“Nag-meeting po talaga kami kasi nakakahiya po, kasi hiningi ko yung trabaho, pero parang gusto ko na ring umurong. Kasi po hindi pa ko nakagawa ng ganitong klaseng role,” dagdag pa ng anak ng premyadong aktres na si Jean Garcia.
Nu’ng una raw ay talagang inaatake siya ng nerbiyos at baka hindi raw niya mabigyan ng hustisya ang karakter ni Lala.
“Hindi ko rin alam, kasi alam naman po natin yung karakter ni Lala parang gandang-ganda siya sa sarili niya. Alam ko sa sarili ko na hindi ko kaya itong gawin, pero pag sinabi na po ni Direk Andoy na ‘Action!’ Ibang klaseng drive and confidence niya (Lala). She is beatiful and that she is sexy,” sabi ni Jennica.
At inamin nga ni Jennica na si Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach ang peg niya sa pagganap bilang si Lala.
“Sa totoo lang po kapag sinusuot ko po si Lala, nakakahiya kay Miss Pia Wurtzbach, pero iniisip ko po talaga kahit hindi ko siya kamukha. Kahit magkaiba kami ng level ng ganda, iniisip ko kapag action na, meron akong confidence ni Pia Wurtzbach, meron akong alindog ni Pia Wurtzbach, meron akong katawan ni Pia Wurtzbach. Kahit wala, parang iniisip ko na lang po siya sa isip ko para maitawid yung eksena,” sabi pa niya.