Talaga namang super busy ang aktres, TV host at singer na si Karylle dahil bukod sa hosting niya sa It’s Showtime at pagiging judge sa “Tawag ng Tanghalan” sa programa, isa na rin siyang judge sa “Slay Model Search Asia,” ang edisyon sa rehiyon ng kakaibang kumpetisyong “Slay Model Search” sa Estados Unidos.
Ang naturang kompetisyon ay eksklusibo para sa transgender women na naghahanap ng puwang sa industriya ng modeling.
Inilunsad ang contest ng Pilipinong si Cece Asuncion, founder ng Slay Model Management sa Los Angeles, isang agency para sa mga modelong transgender na lalaki at babae. Nagkaroon na ng tatlong matagumpay na season ang kumpetisyon sa US, kung saan tumanggap ang mga nagwagi ng exclusive modeling contracts mula sa ahensya. Ganito rin ang tatanggapin ng magwawagi sa Slay Model Search Asia.
“I wanted to support Cece. Slay is something that I’ve known about for a while now,” sinabi ni Karylle at dagdag niya, sumalang siya sa isang shoot sa LA kasama ang pangkat ni Asuncion, bumilib siya sa naging ambag ng ahensya para sa LGBTQIA+ (lesbian, gay, transgender, queer, intersex, asexual, and others) community.
“And the fact that [Slay Model Search is] coming to Asia, where a lot of people are very conservative, is a big step forward,” sabi ni Karylle.
Tanggap niyang magkakaroon ng maraming hamon, ngunit napagtantong dahil sa LGBTQIA+ allies na katulad niya ay marahil magsisimula nang magbukas ang isipan ng mga tao.
“Being a judge here tonight, it is a step towards that, another person who can see things this way,” saad ni Karylle. “Even when I work with children who are sick, for example, I always just look at them as children. So I think we just have to train our eyes and our hearts also to see people as just people, ’di ba?”