Nitong nakaraan ay naiulat na ligtas na umanong nakaalis ng Sudan ang tatlong Pinoy doon sa tulong ng kanilang pinagtatrabahuhan at Saudi Arabian government.
Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary for Migrant Workers Concerns na si Eduardo de Vega, ang tatlong Pinoy ay empleyado ng Saudia Airlines na na-stranded sa Sudan dahil sa bakbakan ng dalawang puwersa ng militar doon–ang Sudanese Armed Forces at Paramilitary Rapid Support Forces.
“Saudia Airlines was stranded in Khartoum (kabisera ng Sudan), and they were brought by bus by their employers to Port Sudan where they were fetched by a military vessel provided by the Saudi Arabian government. From there, they will be taken to Jeddah where our team will meet them,” ayon kay De Vega.
“We thank the Saudi Arabia government, and we are also appealing to them that for our future repatriation, maybe we can board their military vessel… and it looks like they are open to the idea,” dagdag ng opisyal.
Sinabi ni De Vega na byland lang ang maaaring isagawang paglilikas sa mga Filipino mula sa Sudan dahil hindi magagamit ang mga airport sa Khartoum bunga ng nagaganap na kaguluhan.
Inaasahan ng opisyal na maisasagawa ang paglilikas ngayong Lunes. Isasakay ang mga Pinoy sa bus na nirentahan ng Philippine government sa Khartoum at maglalakbay patungong south of Egypt na tinatayang 15 oras ang biyahe.
Mula sa south of Egypt, sinabi ni De Vega na dadalhin ang mga Filipino sa Aswan International Airport, at lilipad patungong Cairo, Egypt. Mula sa Cairo, ibibiyahe ang mga Filipino sa Pilipinas.
Dagdag niya, papasanin ng Philippine government ang gastusin sa evacuation at repatriation.
Sana lamang ay may mabilis na maipaabot ng mga concerned government agencies ang tulong para sa mga Pinoy na stranded sa Sudan, dahil hindi biro ang panganib na kinakaharap nila ngayon.