Inihayag ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na kumpiyansa siyang makikita rin ng mga otoridad sina dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag at ng kanyang dating deputy officer na si Ricardo Zulueta.
Kung matatandaan, naglabas na ang korte ng warrant of arrest laban sa dalawa kaugnay sa kasong pagpatay sa mamamahayag na si Percival “Percy Lapid” Mabasa.
Ayon sa DoJ secretary, nasa bansa pa ang dalawa at paniguradong mahahanap sila.
“Alam mo ang tao kapag guilty iiwas ‘yan. Pag walang kasalanan madaling humarap ‘yan eh… Nandito pa, nandito po. Mata-track yan. We have the means. Nandito pa,” saad ni Remulla.
Wala namang ibinigay na deadline sa National Bureau of Investigation (NBI) at iba pang law enforcement agencies para matugis ang dalawa.
Samantala, dinepensa naman ni Remulla ang naging hakbang ng prosekusyon para muling pabuksan sa korte sa Muntinlupa ang isa sa dalawang kaso ni dating Sen. Leila de Lima para makapag presinta ng bagong testigo.
Giit ng kalihim, karapatan ng prosekusyon na gawin ito.
“Kasi nung tinerminate noong judge ‘yung kaso, katatapos lang ng retraction ni Mr. Ragos kaya entitled dapat ang prosecution na mai-rebutt ito. Hindi nangyari kaya ‘yun po, hinihingi ng prosecution. Habang wala pang decision the motion is still a good motion,” sabi ni Remulla.
Kaugnay naman sa isyu ng illegal recruitment, iginiit ni Remulla na paiimbestigahan niya ito lalo’t kailangang i-rescue ang mga nabibiktima.