Nakakatanggap ngayon ng “unsolicited advice” ang beauty queen at komedyanang si Herlene Budol na iwan na dapat niya ang kanyang talent manager na si Wilbert Tolentino dahil umano sa umano’y urong-sulong na desisyon ng dalaga na sumali sa isang national beauty pageant.
Usap-usapan kasi ngayon ang tila pagsali ulit ni Herlene sa Miss Grand Philippines na kamakailan lang ay nagbukas ng aplikasyon.
“Kahit undecided tlga ako dahil sa trauma ko sa Uganda. Araw araw parin ako kinoconvince ni @sirwil75 para mag join [sa Miss Grand Philippines]. Grabe yung tiwala nya sa akin to the highest level. Thank you sa inyo ni Ate @madaminutz20. love u both,” saad ni Herlene sa isang post.
Siyempre, umani ng mga reaksyon ang post ng dalaga, at ang ilan pa nga ay nagsabing parang walang sariling desisyon ang dalaga kung ano nga ba ang gusto nito sa buhay.
Bukod pa rito ay marami rin ang nagtatanong kay Herlene kung bakit absent ito sa mga ganap ng Binibining Pilipinas.
Sa kabila ng mga pagkwestiyon kay Herlene ay marami pa rin naman ang nagpapakita ng suporta sa dalaga.