Habang kumakalat ang mga balitang ginigipit na umano ng China ang Taiwan, nagkakaroon na rin ng agam-agam ang ating mga kababayan na nagtatrabaho sa nasabing bansa dahil anumang oras umano ay maaaring magkaroon ng gulo.
Sa taya ng Manila Economic and Cultural Office (MECO), nasa halos 200,000 ang overseas Filipino workers (OFWs) ang nasa Taiwan. At wala rin umanong kontrol ang China sa pagkuha ng Taiwan ng mga dayuhang manggagawa, tulad ng mga OFW.
Pero paglilinaw ni MECO chairman Silvestre Bello III, dating Labor Secretary, malaya at may sariling patakaran ang Taiwan sa pagkuha ng mga dayuhang manggagawa.
Ginawa ni Bello ang paglilinaw kasunod ng pahayag ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian na dapat tutulan ng Pilipinas ang kasarinlan ng Taiwan kung nagmamalasakit ang pamahalaan sa 150,000 OFWs sa Taiwan.
Iginigiit ng China na bahagi ng kanilang bansa ang Taiwan, na isang demokratikong teritoryo, at kaalyado ng Amerika.
Pagtiyak ni Bello, “well-protected” ang mga OFW sa Taiwan. Katunayan, nakikipag-ugnayan umano ang Ministry of Labor ng Taiwan sa Department of Migrant Workers ng Pilipinas, para sa pagkuha ng mas maraming Filipino teachers at hospitality workers, at maging ng mga mangingisda at magsasaka.
“Very independent (Taiwan). China definitely has nothing to do with the employment of our overseas Filipino workers,” sabi ni Bello sa panayam ng ANC nitong Lunes.
“I would like to assure… na napakaganda ang kondisyon ng ating mga OFWs doon. Walang cause of alarm. I would be the first one to tell you kung saka-sakaling may emergency situation, pero right now, wala pong tension. Normal na normal ang Taiwan. All our Filipino community members are prepared for any exigency,” dagdag niya.
Sana nga ay masiguro ng pamahalaan ang kaligtasan ng ating mga kababayan na nagtatrabaho sa Taiwan dahil kawawa naman ang mga pamilyang maiiwan sakaling may mangyaring gulo sa nasabing bansa.