Nanawagan na si Philippine National Police chief Police General Rodolfo Azurin Jr. kina dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag at kaniyang dating Deputy Officer na si Ricardo Zulueta na sumuko na matapos maglabas ng mga arrest warrant ang korte laban sa kanila.
Ginawa ni Azurin ang panawagan kina Bantag at Zulueta matapos na silang ikonsidera ng PNP na mga “pugante” at ayon pa sa kanya ay maituturing pugante ang isang tao na may arrest warrant at hindi sumusuko.
“We encourage Gerald kung gusto niya mag-surrender siya sa ano… actually noon pa lang inoffer ko na sa kaniya ‘yon eh, noong naalis siya sa Bureau of Corrections. ‘Di ba sabi ko sa kaniya if he wanted to have his own security, of his own choice, the PNP is willing to provide,” sabi ni Azurin.
“Ngayon may warrant of arrest na siya, siyempre to make it easier for everyone, why don’t he just surrender and face ‘yung kanyang kaso… that way he can also have his day in court,” dagdag niya.
Ayon pa kay Azurin, wala pang impormasyon na nakararating sa kaniya kung nais nina Bantag at Zulueta na sumuko.
Nitong nakaraang Linggo, naglabas ng magkahiwalay na arrest warrant ang Regional Trial Courts ng Las Piñas at Muntinlupa, laban kina Bantag at Zulueta kaugnay sa pagpatay kina Percy Lapid, at umano’y middleman na bilanggo na si Jun Villamor.
Kaagad na pinuntahan ng mga awtoridad ang mga sinasabing bahay nina Bantag at Zulueta sa Bulacan at Caloocan para isilbi ang arrest warrant pero wala ang mga ito.
Nitong Linggo, sinabi ni PNP Public Information Office chief Police Colonel Redrico Maranan na hinahanap na ng mga pulis sina Bantag at Zulueta para isilbi ang arrest warrant.