Maraming mga netizens ang natuwa nang mag-viral ang interview ng aktres na si Rufa Mae Quinto kay King of Talk Boy Abunda nitong nakaraan.
Ang siste kasi, may isang Facebook user na nag-upload ng video clip sa kanyang account na talaga namang pinagtawanan ng mga netizens.
“’Yung diretso ka ng trabaho na wala pang kape,” ang caption ng FB user na si Raymund Ramirez Seranillo sa video.
Ang video ay isang clip ng panayam ni Tito Boy sa segment niya noon na “Ikaw Na” sa dating Kapamilya late night news program na “Bandila”.
Mapapanood dito ang tila pagiging “lutang” o “sabaw” ni Rufa Mae dahil hindi niya magetsing ang nais ipagawa ni Tito Boy sa kanya bago tapusin ang segment at para tuluyan na silang magpaalam sa ere.
Kahit paulit-ulit na ang TV host sa pagtatanong sa kanya at pagpapaalala kung ano ang dapat niyang isagot sa kanyang tanong ay hindi pa rin magawa ng komedyana dahil nga parang “lutang” ang kanyang isipan.
Sey ni Tito Boy kay Rufa Mae, “Alam mo na ‘yung gagawin natin ha.”
“Ano?” ang sagot ni Rufa Mae.
Unang hirit ng TV host, “Rufa Mae Quinto, ikaw na!”
“Ako na nga!” ang sagot ng beteranang komedyana.
Natatawang paalala ni Tito Boy sa kanya, “Hindi nga, ‘yung sinabi ko sa ’yo kanina.” Pag-ulit ng TV host sa kanyang question, “Rufa Mae Quinto, ikaw na!”
Hirit naman ng Kapuso comedienne, “Ba’t ako?” Na sinagot ni Tito Boy ng, “Ikaw nga eh, ‘di ba sasagot ka sa ‘kin?”
“Ay oo nga pala! Uy, gabi na, madaling araw na ‘to! Yes, Tito Boy!” ang tila nahimasmasan nang chika ni Rufa Mae.
“Rufa Mae Quinto, ikaw na!” sabi uli ni Tito Boy na nireplayan ng aktres ng, “Tito Boy…Ikaw na! Yessss! Go, go, go!”