Nagpaliwanag ang aktres na si Ryza Cenon kaugnay sa mga isyung ikinakabit sa kanya ng ilan at mga nagsasabing “ingrata” at “walang utang na loob” ang aktres nang umalis siya sa GMA 7 ilang taon na ang nakararaan.
Nagtataka raw ang aktres kung bakit big deal pa rin ito sa mga bashers.
“Ang mga artista same lang ‘yan ng mga nagtatrabaho, ng may trabaho, di ba? Hindi porke’t lumipat ka ng ibang istasyon, wala ka nang loyalty. Siyempre meron din kaming mga pangangailangan, binabayarang bills, ganyan. So kung saan po may trabaho, doon kami. Kung saan may offer, doon din kami, ‘di ba? Pero hindi ibig sabihin nu’n, bigla ka na lang aalis. Siyempre, magpapaalam ka nang maayos. So ‘yung time na lumipat po ako, nagpaalam ako nang maayos,” sabi ni Ryza.
“Kinausap ko ho lahat doon sa taas, du’n sa dati ko pong network and then lumipat na po ako. So, sa ngayon actually, di na dapat issue ‘yan, eh. Kasi ngayon, nagku-collab na lahat, eh, ng networks, di ba?” dagdag niya.
“So dapat hindi na big deal sa kanila ‘yun. Sana suportahan na lang nila lahat ng ginagawa namin dito sa showbiz industry na kami, ano, eh, nagtutulung-tulong na kami para meron kaming maipalabas na maganda at maipakita kami na kaya rin namin ‘yung quality ng K-drama,” sabi pa ng aktres.
Samantala, kasama ni Ryza sa mediacon ng “Kurdapya” ang super cute niyang anak na si Night. Kaya naman natanong din siya about her journey being a mother lalo na ngayong sunud-sunod ang kanyang work.
“Nagiging balanced po ‘yung nangyari. I get to spend time with my son and I have time for my career. So nagiging balanced na po siya ngayon. He is a big boy already. He is two years old now and malikot na po siya ngayon. Sumasakit na po ‘yung ulo ko and back,” natatawang chika ng celebrity mom.