Inamin ng aktres na si Kylie Padilla na inatake siya ng anxiety pagkatapos mabasa ang buong script ng bago niyang pelikula, ang “Unravel” kasama ang Kapamilya hunk na si Gerald Anderson.
Ayon kay Kylie, totoong natakot siyang gawin ang naturang pelikula na isa sa walong official entry sa 1st Summer Metro Manila Film Festival na magsisimula na sa April 8, Black Saturday.
Sa naganap na press preview at presscon ng “Unravel” sinabi ni Kylie na may kakaibang takot siyang naramdaman nang ialok sa kanya ang movie dahil nga sa sensitibo at napapanahong tema nito. Pag-amin nga ng aktres, isang linggo siyang na-depress matapos mabasa ang script na may kaugnayan sa mental health.
“Natakot ako kasi sobrang dark ng subject matter. But as an actress, I step into Lucy’s point of view kaagad. And sa story niya human connection saved her life and I think dahil nga sa pinagdaraanan nilang dalawa they needed human connection. And after reading it (script) kahit na-anxiety ako ng isang linggo nagkaroon ako ng kaunting hope na sana ang mga manonood nito maramdaman nila na hindi sila nag-iisa and there are always a chance for a second chance in life. Just give a chance for people, other people to give that hope parang ganoon,” saad ni Kylie.
“Never lose hope in trying again. And I thought so much empathy in her character kaya gusto ko siyang gawin kahit natakot ako. Pero I feel like ‘yung subject matter is a good conversation starter kasi this is reality and people go through this and if we have more awareness about it if maybe open tayong pag-usapan, maybe we can save more people,” dagdag niya.
Isa sa mga natalakay sa kuwento ng “Unravel” ay ang tinatawag na voluntary assisted death (VAD) sa Switzerland kung saan kinunan ang kabuuan ng movie.
Ang VAD ay isang legal na practice sa ilang mga bansa na pinapayagan ang isang tao na tapusin ang kanyang buhay basta’t makapasa sa mga requirements. Yan ang balak gawin ni Lucy (Kylie), isang Filipina executive na humaharap sa clinical depression.