Aminado ang Hollywood star na si Vanessa Hudgens na talagang naaliw siya sa pagbisita sa Pilipinas at kung siya ang tatanungin, nais niyang isama ang bansa sa mga choices ng lugar kung saan sila magpapakasal ng kanyang fiancé na si Cole Tucker.
Game na game na sinagot ng international actress-singer ang mga tanong ng Philippine entertainment press sa ginanap na presscon kahapon para sa ginawa niyang travel documentary sa bansa sa direksyon ni Paul Soriano.
Isa nga sa mga nausisa sa Hollywood actress ay ang tungkol sa kasal nila ni Cole, ngunit ayon sa dalaga, hindi muna siya magbibigay ng detalye about their wedding.
Paliwanag ni Vanessa, napakarami raw kasi nilang kailangan isaalang-alang pagdating sa usapin ng kasal.
Samantala, isa naman sa mga rason kung bakit nagdesisyon na siyang bumisita sa Pilipinas ay para balikan at mapag-aralan ang kanyang Filipino heritage. Balak daw niyang ipamana sa kanyang magiging mga anak ang lahat ng matututunan niya sa gagawing travel docu.
Sa mga hindi pa aware, ang nanay ni Vanessa na si Gina Guangco ay isang Filipina habang ang kanyang late father na si Gregory Hudgens ay isang Irish-American.
“It’s been really interesting and really beautiful and eye-opening. I feel like just the family aspect of the Philippines is something that is so prominent and so strong. I’ve always been close to my mom and my sister. We kinda like go as a pack all the time. That’s definitely something that comes from my heritage,” sabi ni Vanessa.
“I’m so obsessed with the Filipino furniture and lighting. The use of natural elements, the wicker, the rattan, the mother of pearl. It’s all just so beautiful to me. And something that I’ve always loved. And I’m, like, ‘Oh yeah, makes sense, because it’s Filipino,’” dagdag niya.
Kamakailan ay nagtungo nga si Vanessa sa Pangulasian Island sa Bacuit Bay, El Nido, Palawan na inilarawan niyang isang “paradise.” Gusto rin niyang mabisita ang Cebu at Mindanao.