Inihayag ng mga otoridad nitong Linggo na nasa tatlo katao ang namatay habang anim naman ang nasugatan nang mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang jeep sa Macalelon, Quezon province noong Sabado.
Ayon sa ulat ng Macalelon Police, kabilang sa mga nasawi sa aksidenteng nangyari sa Barangay San Nicolas ang pahinante ng jeep at dalawang menor de edad na magpinsan.
Isa sa mga nasawing menor de edad ay anak umano ng may-ari ng jeep, na siyang nagmamaneho nang mangyari ang aksidente. Kabilang ang may-ari sa anim na sugatan.
Ayon sa imbestigasyon, tinatahak ng jeep ang palusong na bahagi ng kalsada nang mawalan ng preno bandang alas-3 ng hapon.
Sa bigat ng kargang niyog at sako-sakong kopra, bumulusok umano ang jeep pababa hanggang sa mahulog sa bangin sa gilid ng kalsada.
Agad sumaklolo ang mga tauhan ng Philippine Army na nakabase sa lugar, mga pulis at tauhan ng municipal disaster office.
Patuloy na nagpapagaling sa ospital sa Gumaca, Quezon ang mga nasugatan.
Sa iba pang balita, patay na nang matagpuan at walang saplot pang ibaba ang isang babaeng siyam na taong gulang na inutusan lang bumili sa tindahan sa Agusan del Norte.
Ayon sa mga paunang ulat, nakita umano ang katawan biktima noong Huwebes sa madamong bahagi ng Barangay Santa Ana sa bayan ng Tubay, dakong 9 p.m.
Wala umanong saplot pang ibaba ang biktima, at may sugat sa ulo, ayon sa pulisya.
Sinabi umano ng ama ng bata, na inutusan niya ang anak na bumili sa tindahan ng diaper, bigas at sigarilyo.
Isinailalim sa awtopsiya ang bangkay ng biktima.