Inihayag ng mga otoridad nitong Sabado na nahuli na umano ang suspek sa pagnanakaw at brutal na pagpatay sa 22-anyos na graduating student ng De La Salle University-Dasmariñas na si Queen Leanne Daguinsin apat na araw matapos ang krimen.
Sinabi ni Philippine National Police spokesperson Col. Jean Fajardo, nadakip Sabado ng umaga ang suspek at dinala na sa Dasmariñas Police Station.
Kung matatandaan, sinabi ng PNP na natunton na ang bahay ng suspek sa Barangay San Nicholas 2 matapos magsagawa ng backtracking sa mga CCTV footage at nakita rin ang damit at short na pinaniniwalaang suot ng suspek nang gawin ang krimen.
Kabilang umano sa nakitang mga gamit ng biktima sa bahay ng suspek ang itim na backpack.
Ayon sa pulisya, dati nang naaresto ang nasabing suspek sa kasong pagnanakaw.
Kinondena rin ni PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr. ang karumal-dumal na krimen.
“We condemn this heinous crime and we will not stop until the perpetrator will be put behind bars,” saad ni Azurin sa isang naunang pahayag.
Lumalabas sa imbestigasyon na nakita ang duguang bangkay ng biktimang si Queen Leanne Daguinsin, na tadtad ng saksak sa kaniyang dorm sa Barangay Santa Fe.
Samantala, puno ng sakit ang panghihinayang ang nararamdaman ng mga kamag-aral ni Daguinsin sa De La Salle University dahil sa kanyang pagkamatay.
Noong Biyernes, nagpunta ang mga kamag-aral sa burol para kay Daguinsin sa kanyang hometown sa Pila, Laguna.
“Hindi niya po deserve ‘yung ginawa sa kanya. Leanne is a very kind friend, sobrang bait niya para gawin sa kanya ‘yun kaya until now parang ang hirap pa ring tanggapin.,” ayon sa kamag-aral ni Daguinsin na si Sean Alcoseba.
“Gagawin namin ang lahat para makuha namin ‘yung hustisya na para po sa kanya,” ayon sa isa pang kamag-aral na si Gabe Tolentino.
Kinansela ng DLSU-Dasmariñas ang in-person classes kasunod ng krimen, pero babalik ito matapos ang Holy Week break.
Samantala, galit naman ang nararamdaman ng pamilya sa suspek.
“Diyos ko po! Maawa ka! Sana maliwanagan ang isipan mo at magsisi ka. Humingi ka ng patawad sa Panginoong Diyos sa iyong ginawa sa apo ko. At hindi ko masasabi kung siya’y aking makita nang personal, hindi ko po alam kung anong magawa ko sa kanya. Ang sakit, sakit po,” ayon sa kaniyang lola na si Julieta Monserrat.