Aminado ang aktres na si Ina Raymundo na nagkaroon ng pagkakataon sa kanyang buhay na na-exploit siya sa isang sexy movie na ginawa niya ilang taon na ang nakararaan at ayon sa kanya ay napilitan lang siyang gawin ang naturang pelikula kung saan nakita ang hubo’t hubad niyang katawan na wala naman daw sa napag-usapan ng produksiyon.
Ayon sa hot momma sa isang panayam ni King of Talk Boy Abunda, napuwersa lamang siyang gawin ang mga mapangahas at sensitibong mga eksena sa nasabing sexy film na hindi na niya binanggit.
Kung matatandaan, unang sumikat ang tinaguriang hot celebrity mama noong dekada 90 nang gawin niya ang isang liquor drink commercial bilang Sabado Nights Girl at pagkatapos nito ay bumida na siya sa mga sexy movies tulad ng “Bikini Watch” (1995), “Lihim” (1997), at “Burlesk Queen Ngayon” (1999).
“Kung maibabalik ko lang ayokong gawin ‘yun kasi sa totoo lang. Ito ayokong pag-usapan ‘to, but na-force ako, na-exploit talaga ako. May movie akong ginawa na ang usapan ano lang breast exposure tapos ang ending sa movie na they wanted more. So ‘yun talaga parang sobrang dark moment ‘yung time na ‘yun. Buti na lang kumita ‘yung pelikula nang husto so in a way parang na-vindicate,” kuwento ni Ina.
“Basta I don’t even want to mention kung sino ang nang-api sa akin noon pero yeah, parang they treated me like a child na sinisigaw-sigawan dahil ayokong gawin ‘yung eksena. Meron pang pananakot na isu-sue ako pero kung tutuusin that was just a bluff because wala naman kaming written na usapan na mag-o-all-out ako,” dagdag niya.
Sa ngayon ay naka-move on na naman daw siya mula sa mala-bangungot na karanasang iyon.
“Thank God I’m healed pero at that moment I wasn’t okay. Ayoko lang talaga ng gulo. I don’t want controversy but first and last time ko na pag-uusapan ‘yun dahil ikaw ang kausap ko and you’re special to me,” sabi ni Ina.