Inihayag ni Registered International Criminal Court (ICC) Assistant to Counsel Atty. Maria Cristina Conti na ang posibleng target ng imbestigasyon ng ICC ang maiipit sa pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi na makikipag-ugnayan ang Pilipinas sa nasabing korte.
Sa isang panayam, sinabi ni Conti na may nakabinbin pang apela ang Pilipinas sa ICC, at nakapagbigay na rin ng mga dokumento kaugnay ng imbestigasyon at kung hindi umano makikipagtulungan ang gobyerno, tatamaan din ang target ng imbestigasyon dahil hindi na nito madedepensahan ang kanyang panig.
Hindi na rin umano mabibigyan ng linaw kung ano talaga ang nagyayari sa Pilipinas.
“Medyo nababahala nga ako dyan kasi dahil meron pa silang nakambang apela at nag-hire pa tayo, yung Pilipinas, ng international lawyer…para tulungan ang solicitor-general na buuin ang apela. At itong apela na ito ay nakabinbin pa,” saad ni Conti.
“Kung iiwanan sa ere, kumbaga hahayaan na lang, palagay ko ang mangyayari, maiipit lang ang PIlipinas dahil una, meron na siyang naisumite na dokumento noon, nagbigay siya ng 50 investigation record,” dagdag niya.
Una nang ipinaliwanag ni Solicitor-General Meynardo Guevara na hindi pa tuluyang binabasura ng ICC ang apela ng pamahalaan ng Pilipinas para suspendihin ang imbestigasyon tungkol sa war on drugs ng administrasyong Duterte.
“Ang na-deny lamang, yung interim relief na hiningi natin, parang provisional relief na hangga’t nakaapela pa yan, wag niyo munang i-implement yung investigation. Because that is the very subject matter of the appeal–na kinukuwestiton namin yung jurisdiction niyo,” saad ni Guevarra.
Sang-ayon din si Conti na may paraan ang ICC para makapag-imbestiga nang hindi sila pumapasok sa bansa at giit niya, handa silang pumunta sa ICC para sa imbestigasyon.