Hindi na naitago ng aktres na si Jane Oineza ang kanyang pagiging proud girlfriend matapos niyang mapanood ang kanyang boyfriend na si RK Bagatsing sa pagganap nito bilang si Rey Valera sa pelikulang “Kahit Maputi na ang Buhok Ko (The Music of Rey Valera).”
Ang pelikula ay isa sa mga entry sa 1st Summer Metro Manila Film Festival na magsisimula na sa Abril 8 hanggang 18 na pinagbibidahan nga ni RK na gumaganap bilang Rey Valera.
“Proud na proud ako at alam ko rin proud din siya sa movie at sa ginawa niya. Alam ko rin kung paano ang naging preparation niya with this film. Nakaka-proud to see everything na final na and excited ako na mapanood ito ng mga tao sa MMFF as a proud dyowa,” sabi ni Jane.
Hindi nga nawawala ang ngiti kay RK pagkatapos ng screening dahil kaliwa’t kanan ang bumabati sa kanya at nakikipagkamay. Present din ang kuya niyang si Raymond Bagatsing at parents nila.
Kuwento ni Jane kung paano inihanda ng boyfriend niya ang sarili para sa gagampanan nitong karakter.
“Naka-loop sa speakers namin ‘yung mga kanta ni Sir Rey Valera at paulit-ulit niyang pinakikinggan. And everytime rin na matatapos siya ng taping, meron siyang bagong kantang paulit-ulit na ipini-play dahil ‘yun yung katatapos lang niyang eksenang kinunan. Nakatutuwa lang na naririnig ko ‘yung mga kuwento at inspirasyon do’n sa mga kanta and I get to see it as well,” nakangiting kuwento ng aktres.
Inamin din ng dalaga na gustung-gusto rin niya ang mga awitin ni Ginoong Rey Valera.
“Di ba ‘yung mga kanta ni Sir Rey, madadala ka talaga pero knowing kung paano siya sumulat, saan siya inspired, mas madadala ka pa lalo,” sabi ni Jane.
Ang awiting “Ako si Superman” ay alay daw niya kay RK. “Yes. He’s my superman for being with me and saving me and making me survive life with him,” masayang sabi ni Jane.