Matapos pormal na manumpa bilang hepe ng Bureau of Corrections (BuCor) nitong nakaraan, inihayag ng bagong BuCor chief na si Gregorio Catapang Jr. na papalitan niya ang nasa nasa 700 guardiya sa maximum security compound ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa.
“Papalitan ko lahat ng guwardiya sa maximum eh aabot ng 700 eh, at saka ilalagay ko ‘yung babae,” saad ni Catapang. “Next week. Babae commander, ‘yung superintendent. Oo, mga guwardya.”
Dadgag niya, mahigpit ding ipapatupad ang “one strike policy” na ang ibig sabihin ay kapag may narinig siyang reklamo laban sa tauhan ng ahenisya, ay hindi lang ito ipapatanggal sa puwesto kundi tanggal agad sa serbisyo.
Pero bilang proseso, dadaan umano ang mga gagawing reklamo sa masusing imbestigasyon.
Plano rin ni Catapang na gawing mala-Bonifacio Global City ang BuCor o tinawag niyang Bureau of Corrections Global City.
Sa 40,000 ektaryang lupa ng BuCor asahan umanong maitatayo ang government center, commercial center at agri-industrial center sa BuCor.
May ilang kompanya na umano ang naghayag ng interes ukol dito.
Kasama na rin umano ang planong pagtatayo ng food terminal at food processing dahil nasa 50,000 ang workforce ng correctional na maaaring magtanim o magtrabaho dito, kabilang ang regional prisons and penal farms.
Makababawas din umano ito sa sentensiya ng persons deprived of liberty o PDLs na magsisilbi dito.
Aayusin din ni Catapang ang mga informal settlers sa paligid ng Bilibid at ilalagay sila sa mga high-rise na gusaling itatayo sa compound, at maaari din silang magkaroon ng trabaho sa mga business establishment na maitatayo dito.
Pinangunahan ni Catapang ang una niyang command conference bilang BuCor chief.
Dito pinagtuunan niya ng pansin ang pananampalataya ng mga tauhan.
Samantala, hindi nagkomento si Catapang sa kaso ni dating BuCor Director Gerald Bantag, bagkus kinilala ni Catapang si Percy Lapid na umano’y naging instrumento ng pagbabago sa ahensya.
“I was really designed to be the deputy of BuCor, and then nagyari ‘yung kay Percy Lapid, na-elevate ako as OIC because na suspend nga si Bantag. Sabi ko nga with the reforms that I’ve been doing now, Percy Lapid did not die in vain. Because yung pagkamatay niya ignited the reforms, the reformation, the changes that needed to be done in BuCor,” saad ni Catapang.
“So itong reforms na ginagawa namin is also in honor of Percy Lapid who was instrumental and bringing in the reforms in BuCor,” dagdag niya.