Inihayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Lunes na nabigyan na umano nang paunang ayuda ang pamilya ng conjoined twins na pinanganak sa Maragusan, Davao de Oro noong Marso 23.
Ang pamilya ay nabiktima umano ng isang scammer ang magulang ng kambal na sanggol at tinangayan ng mahigit P50,000 noong Marso 24.
Nakalabas na ang nanay ng kambal nitong Linggo mula sa ospital sa bayan ng Maragusan nang walang binabayaran sa bill ng pagamutan dahil benipisyaryo ito ng 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
Kasalukuyang ang ama ang nagbabantay sa conjoined twins sa ospital sa Tagum, Davao del Norte kung saan inilipat ang mga bata.
Lubos namang nagpapasalamat ang naturang pamilya dahil sa tulong na natanggap nito.
Nangako rin ang DSWD na tutulong din ito sa medikal na pangangailangan ng mga sanggol.
Noong Sabado, Marso 24, natangayan ng libo-libong perang donasyon ang pamilya matapos may tumawag sa kanila na nagpapakilalang tauhan ng DSWD.
Nanghingi lang umano sa ama ng mga bata ng one-time pin o OTP sa mobile wallet nito ang scammer kapalit ang libreng operasyon ng bata at mabibigyan pa ng pinansyal na ayuda ang kanilang pamilya.
Pero pagkatapos mapadala ang OTP, hindi na muling ma-contact ang scammer.
Makikipagtulungan ang mobile wallet sa otoridad at kustomer para maimbestigahan ang nangyari.
Muli rin nitong pinaalalahanan ang publiko na huwag i-share ang OTP at PIN para hindi mabiktima ng mga scammer.