Inihayag nitong nakaraan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na nakitaan na umano ng low-level contaminants ang ilang isda mula sa karagatang sakop ng ilang lugar na apektado ng Oriental Mindoro oil spill.
Sinabi ni BFAR chief information officer Nazzario Briguera, nagpositibo sa polycyclic aromatic hydrocarbons ang ilang fish sample na kanilang nakolekta sa mga dagat na tinamaan ng tumagas na langis.
Dagdag niya, kabilang sa mga sinuri nila ay mga fish sample mula sa Naujan, Pola, Pinamalayan, Bansud, Gloria, Roxas, Mansalay, Bongabong, at Bulalacao sa Oriental Mindoro.
Sinabi rin ni Briguera na delikado para sa mga tao at ilang living organism ang nasabing kemikal na karaniwang natatagpuan sa mga coal o uling, crude oil at gasolina.
Batay din sa preliminary findings ng BFAR, may bakas ng petroleum products tulad ng langis at grasa ang ilang water sample mula sa dagat na naapektuhan ng oil spill.
At kahit pa napabalitang sapat ang suplay ng isda sa mga palengke at pamilihan sa bansa sa kabila ng malawakang oil spill, mukhang hindi na rin ligtas ang mga isdang manggagaling sa mga lugar na naapektuhan ng oil spill.
Sa datos ng BFAR, lumalabas na 3 porsiyento ng kabuuang produksyon ng isda sa Mimaropa ay galing sa Oriental Mindoro, kung saan nangyari ang oil spill.
“Sa ngayon di pa nakikita yung shortage sa national scale but we need to recognize na just because of the oil spill posibleng magkaroon ng limitadong supply sa immediate area ng oil spill,” sabi ni Briguera sa isang naunang pahayag.
Nakakabahala na ang balitang ito dahil siguradong hindi lamang ang mga mangingisda ang apektado nito kundi maging ang mga mahihirap na mamamayan na isda na lamang ang kayang bilhin.
Sana ay matugunan agad ang problemang ito ng ating pamahalaan.