Aminado ang aktres na si Kris Bernal na tila dinedma na siya ng aktor na si Aljur Abrenica matapos nitong imbitahan ang binata kung pwede silang magkaroon ng collab sa kanyang YouTube channel.
Kung matatandaan, sumikat ang loveteam nina Kris at Aljur sa season 4 ng original artista search ng GMA, ang “StarStruck” noong 2006.
Sa guesting ng aktres at negosyante sa “Fast Talk with Boy Abunda” kahapon, March 21, ibinuking niya na hanggang ngayon ay hindi umano sinasagot ni Aljur ang kanyang mga message kaya hindi niya masagot kung friends pa rin sila.
“Hindi niya ako nirereplayan. Ilang beses ko na siyang niyaya sa vlog ko, hindi niya ako nirereplayan. Nananawagan ako kay Aljur baka puwede tayong mag-collab,” saad ni Kris.
May asawa na ngayon si Kris at mukhang happy na rin si Aljur sa piling ng kanyang dyowang si AJ kaya kung sakaling magsama uli ang dating Kapuso loveteam ay wala nang magiging issue.
Ayon kay Kris, sa kabila nang pangdededma sa kanya ni Aljur, palagi pa rin niyang sinasabi na ito ang kanyang favorite leading man. Nakagawa rin sila ng ilang teleserye sa GMA tulad ng “Dapat Ka Bang Mahalin?”, “All My Life,” “The Last Prince,” “Coffee Prince,” at “Prinsesa ng Buhay Ko.”
Sumusumpa naman ang aktres na hindi sila naging magdyowa ni Aljur, “Wala talaga. Loveteam lang talaga kami. Naparamdam nang konti pero hindi nag-work talaga as real-life couple. Talagang as a loveteam lang.
“I guess, parang feel ko na naramdaman naman niya that time na parang hindi ako interested. At saka may times na hindi kami nagkakasundo. Sa totoo lang, may times na parang nag-aaway kami. Pero kailangan as a love team, sweet-sweetan kami. Alam na alam ng mga love teams yan. Kapag off-cam na, parang hmmm…pinagdaanan ko lahat yan,” ang pahayag ni Kris.
Samantala, inamin ng aktres na ang unang trimester ng kanyang pagbubuntis ang pinaka-challenging para sa kanya. Five months na ngayon ang sanggol sa kanyang sinapupunan.
Aniya, mixed emotions ang nararamdaman nila ng asawang si Perry Choi sa nalalapit na pagsilang ng kanilang panganay na anak.