Nitong nakaraan ay pinasinayaan ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang isang housing development para sa mga guro ng siyudad na sisimulang itayo sa Barangay Holy Spirit.
Dumalo sa groundbreaking ceremony sina Quezon City Mayor Joy Belmonte, Vice President at Education Secretary Sara Duterte, dating pangulo at ngayo’y Deputy House Speaker Gloria Macapagal Arroyo at mga opisyal ng National Housing Authority at Philippine Charity Sweepstakes Office.
Ang 12 palapag na gusali ang siyang kauna-unahang housing project ng Quezon City para sa mga guro.
“Para makatulong na rin at itaas ang morale ng mga teachers natin,” saad ni Belmonte.
Dahil may fixed income ang mga guro, puwede silang kumuha ng housing loan sa Home Development Mutual Fund at Government Service Insurance System, habang nakabatay sa kukunin nilang scheme ang buwanang hulog.
Dapat walang sariling bahay at nasa indigent sector para maging benepisyaryo nitong economic housing.
Sa Republic Residences itatayo ang pabahay para sa mga guro, kung saan may 144 units para sa kanila.
Nagpasalamat naman si Duterte sa Quezon City government at sinabing handa ang Department of Education na makipagtulungan sa iba pang local government unit.
“We are willing to partner with local government units, katulad ng ginawa ng Quezon City local government unit na meron silang pabahay. And ang partnership nila with the Department of Education is iyong pag-identify ng beneficiary teachers natin na qualified para sa kanilang mga pabahay,” saad ni Duterte.
Malaking tulong ang pabahay na ito para sa ating mga guro at siguradong gaganahan pa silang magturo sa ating mga kabataan, kaya naman isang magandang hakbang ang ginawang ito ng QC government.