Inihayag ni Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor na dumating na sa rehiyon nitong Lunes ang remotely operated vehicle o ang ROV na gagamitin upang mahanap ang eksaktong lokasyon ng barkong sanhi ng oil spill sa probinsiya.
Nakarating nang Calapan Port galing Japan ang barkong Shin Nihci Maru, na lulan ang ROV na sisisid sa dagat sa may Pola, Oriental Mindoro para matukoy ang kinaroroonan ng barkong MT Princess Empress, na lumubog 20 araw na ang nakalilipas at may lulang 800,000 litro ng industrial fuel.
Ayon kay Dolor, kayang sisirin ng ROV Hakuyo ang lalim na hanggang 2,000 metro at bagama’t nakahinga na siya ng maluwag sa pagdating nito ay aabot pa ng tatlong araw ang gagawing assessment ng ROV.
“Sa loob ng tatlong araw kayang gawin ang assessment , kung ano ang hitsura ng barko, ano ang tumatagas. Pagkatapos noon magbibigay sila ng report at doon magsisimula ang sunod na hakbang,” paliwanag ni Dolor.
“Ang mahalaga dito, mayroon na sila ngayong kapasidad na silipin talaga ang actual na kondisyon ng barko,” dagdag niya.
Wala namang ibinigay na timetable ang gobernador para tapusin ang pagkuha sa tangke na may laman na industrial fuel.
Ayon naman kay Office of the Civil Defense Administrator Ariel Nepomuceno, plano rin ng gobyerno ng Pilipinas na bumili ng sariling ROV.
Nagkakahalaga umanong P40 milyon hanggang P50 milyon ang ROV, mas maliit aniyang halaga kompara sa gastos sa mga naapektuhan ng oil spill na ngayo’y umaabot sa P200 milyon.
Sinabi rin ni Nepomuceno na nakikipag-ugnayan na rin ang Department of National Defense sa France at United States of America para sa iba pang tulong sa oil spill response, kabilang ang pagpapahiram ng ROV sakaling kailanganin pa.
Pinaghahandaan na rin ng mga opisyal ang “worst case scenario,” lalo’t dumarami pa ang mga lugar na naapektuhan ng oil spill, kasama rito ang Isla Verde sa Batangas, na itinuturing na sentro ng marine bioversity.
Nagsagawa na rin ng inspeksiyon sina Dolor at Nepomuceno sa lugar na pinaglubugan ng MT Princess Empress.