Inihayag ng lokal na pamahalaan ng Calapan City sa Oriental Mindoro na nakakakita na sila ng mga bahid ng oil spill na nagmula sa isang lumubog na tanker sa karagatang sakop ng katabing bayan ng Naujan, Oriental Mindoro.
Pero nilinaw naman ni Calapan Mayor Malou Morillo na hindi pa naman ganoon kalaki ang pagkalat ng langis sa karagatang nasasakop ng Calapan.
“Wala pa hong gaanon kalaki, karami—traces pa lang ho [ng oil spill] ang umaabot dito sa amin… Sa ngayon po nako-contain pa po natin kasi traces pa lang po ‘to,” saad ni Morillo.
Dagdag niya, nagpakalat na ang lokal na pamahalaan ng improvised spill booms sa mga dalampasigan at sa bungad ng ilog upang maprotektahan ang katubigan at mga mangrove.
Pero kung sakali umanong kumalat pa ang oil spill, maaapektuhan umano ang mga mangingisda sa lugar.
“Ang malaki pong epekto’y sa ating mga mangingisda kaya nananalangin po kami na sana’y magbago ang hangin,” saad ng alkalde.
“Talagang malaki po ang epekto nito sa kabuhayan ng ating mga kababayan, lalo na po sa ating mga mangingisda,” dagdag ng alkalde.
May kargang nasa 800,000 litro ng industrial fuel oil ang tanker ng MT Princess Empress noong Pebrero 28.
Libo-libong ektarya ng coral reefs, mangroves at seaweed ang maaaring maapektuhan ng tumagas na langis mula sa tanker, ayon sa mga eksperto.
Ilang residente na ng Oriental Mindoro ang napaulat na nagkasakit dahil sa oil spill, habang pinagbawalan muna ang mga mangingisda na pumalaot.
Kung matatandaan, naunan nang naghanda ang lungsod sa posibleng pagpasok ng oil spill sa karagatan nito at mayroon na umanong preventive plans ang Calapan at maraming volunteers sa paghahanda sa posibleng apekto ng oil spill.
Dagdag niya, naghanda ng mga floater ang LGU upang harangin ang posibleng pagkalat ng langis.
Nagtutulong-tulong din umano ang mga residente at kumunsulta na rin sila sa mga eksperto kaugnay ng oil spill.
Ayon kay Morillo, ang tanging pinangangambahan nila ay kung magkaroon ng habagat at alunin ang langis papunta sa lungsod.