Inihayag ng mga otoridad nitong Biyernes na isang 64-anyos na babae na naglalakad lang, at isang motorcycle rider ang nahulog mula sa Soot Bridge, La Paz, Abra habang dalawang sugatan pa ang nanatili naman sa ibabaw ng tulay.
Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, naglalakad sa gilid ng tulay ang biktimang si Carlina Vizcara, nang mabangga siya ng isang tricycle at nahulog.
Umiwas naman sa nakaaksidenteng tricycle ang nakasunod na motorsiklo na minamaneho ni Mark Almazan, na sakay ang 14-anyos na kapatid pero pag-iwas umano ni Almazan sa tricycle, nasalpok naman nito ang nakasalubong na motorsiklo na minamaneho ng isang Paul Quinto.
Sa lakas ng banggaan, tumilapon si Quinto at nahulog din mula sa tulay.
Samantala, dalawang lalaking na sakay ng motorsiklo ang nasawi sa Tuba, Benguet nang bumangga sila sa kasalubong na truck.
Nakuhanan sa dashcam ng isang sasakyan ang nangyaring trahediya sa bahagi ng Marcos Highway sa Tuba.
Isinugod sa ospital ang dalawang lalaki pero idineklarang dead on arrival.
Sa Bantay, Ilocos Sur, isang babaeng tumatawid ang sugatan matapos siyang salpukin ng humaharurot na motorsiklo.
Sa kuha ng CCTV camera sa bahagi ng national highway, makikita na malapit nang makatawid sa kabilang bahagi ng kalsada ang biktima nang salpukin siya ng motorsiklo.
Nagpapagaling pa sa ospital ang babae dahil sa tinamong pinsala sa katawan.