Nitong nakaraan ay inihayag ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na posible umanong bumaba ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo at umaasa siyang matutupad niya ang kanyang ipinangako noong panahon ng kampanya.
Bagama’t optimistic ang Pangulo, may ilan pa ring nagdududa na maaabot nga ang P20 kada kilo ng bigas sa lalong madaling panahon.
Ayon kay Sinag president Rosendo So, nananatiling mas mataas ang farmgate price ng bigas sa ipinangakong presyo ni Pangulong Marcos.
“Kasi ang presyo ng palay ngayon is nasa P23.50. Palay pa lang yun,” saad ni So.
“Ibig sabihin yung palay, igigiling mo pa yun para maging bigas. Yung P20-P23 na palay, pag giniling yun babagsak P40 na bigas,” dagdag niya.
Pero nilinaw ni So na kakayaning ibaba ang presyo ng bigas kung lalong bumaba ang presyo ng pataba at langis.
“Kung bumalik siguro sa P800 yung pataba tapos ang fuel natin bumaba ng P32, yung seeds natin kung libre na ibigay sa magsasaka, ang tingin natin nasa P25, baka realistic pa, one and a half years,” sabi ni So.
Aminado naman ang Department of Agriculture (DA) na marami pa ang dapat gawin para makamit ang pagpapababa ng presyo ng bigas.
Ayon kay DA spokesperson Kristine Evangelista, kabilang dito ang tamang post-harvest facilities, irrigation, pagdaragdag ng rice production, pagpapababa ng wastage hanggang logistics.
Pero tiniyak niyang ginagawa ng pamahalaan ang lahat kabilang na ang pagbebenta ng NFA rice sa mga Kadiwa store.
Siguradong hindi magiging madali para sa pamahalaan na maabot agad ang pangako ng Pangulo, pero sana naman ay bigyan natin ng benefit of the doubt ang Pangulo na magagawa nga niya ito sa kanyang termino.