Inihayag ng Department of Justice (DoJ) nitong Martes na sapat na umano ang nakitang bashean ng mga piskal nito para kasuhan sa korte sina suspended Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag at dati niyang deputy security officer na si Ricardo Zulueta ng kasong two counts of murder sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid at umano’y middleman na si Jun Villamor.
Ayon kay Senior Assistant State Prosecutor Charlie Guhit, may nakita umanong basehan ang mga piskal na sina Bantag at Zulueta ang nasa likod ng pagpatay kay Lapid, na magdiriwang sana ng kaniyang ika-64 na taong kaarawan ngayon.
Kasama rin sa kinasuhan ang self-confessed gunman na si Joel Escorial, at sina Israel Dimaculangan, Edmon Dimaculangan, at isang Orlando.
Kinasuhan din “as principals by indispensable cooperation” ang mga nakakulong o persons deprived of liberty (PDLs) na sina Denver Mayores, Alvin Labra, Aldrin Galicia, Alfie Peñaredonda, at Christopher Bacoto.
Kung matatandaan, sinabi na ng National Bureau of Investigation (NBI) na may linya ng komunikasyon mula sina Bantag at Zulueta kay Mayores, at si Mayores kay Labra, at si Labra na nakipag-ugnayan kay Galicia.
Si Galicia umano ang nagplano at nagpatupad ng pagpatay kay Lapid sa pamamagitan ng kaniyang mga gang member, at mga contact ng grupo sa labas ng NBP, na kumuha kina Escorial at mga kasamahan nito na bumaril sa broadcster.
Sa nangyaring pagpatay kay Villamor, sina Bantag, Zulueta, Labra, at Galicia ang itinuturing “principals by inducement.”
Kasama ring kinasuhan ang mga PDL na sina Mario Alvarez, Joseph Georfo, Christian Ramac, Ricky Salgado, Ronnie Dela Cruz, at Joel Reyes.
Ayon sa NBI, may direct line of communication mula kina Bantag at Zulueta kay Mayores, Mayores kay Labra, at si Labra kay Galicia, na nagpatupad ng paglikida kay Villamor sa pamamagitan ng mga miyembro nito sa gang sa loob ng piitan.
Ibinigay umano ni Galicia ang utos sa Sputnik gang member na si Georfo, at ipinasa naman ang utos sa miyembro nito na si Alvarez.
Si Alvarez naman umano ang nagbigay ng utos sa mga kasamahan na sina Salado, Ramac, Dela Cruz, at Reyes na patayin si Villamor sa pamamagitan ng pagsuklob ng plastic bag sa ulo nito.
Binaril at napatay si Lapid sa Las Piñas City noong October 3, 2022, habang namatay si Villamor sa New Bilibid Prison, sa araw nang ipresinta sa media ang sumukong si Escorial.
Nang isailalim sa autopsy ni forensic pathologist Dr. Raquel Fortun ang mga labi ni Villamor, lumitaw na “asphyxia by plastic bag suffocation” ang kaniyang ikinamatay.