Matapos ang problemang dulot ng oil spill sa Oriental Mindoro nitong nakaraan, naghahanda na ngayon ang ilang lokal na pamahalaan sa Batangas ang posibleng pagtama ng oil spill sa kani-kanilang mga lugar.
Ang paghahanda ay bunsod nang pahayag ng University of the Philippines Marine Science Institute kamakailan na posibleng umabot ang oil spill sa Puerto Galera at Calapan sa Mindoro Oriental pati sa Verde Island Passage at ibang parte ng Batangas ngayong linggo.
Sa bayan ng Lobo, nagsagawa ng emergency meeting ang mga awtoridad para maghanda sakaling abutin ng langis.
Ayon kay Angelique Atienza-Romero na public information officer ng bayan ng Lobo, sampung barangay ang posibleng maapektuhan sa bayan.
Gumagawa na rin ang mga taga-Lobo ng oil spill boom mula sa bunot ng niyog.
Sa Talahib Pandayan sa Batangas City, na katapat ng Verde Island, nakaalerto na rin ang Bantay Dagat.
Ang bayan ng Lobo, Batangas City at Isla Verda ang ilan sa mga lugar na sakop ng Verde Island Passage, na sentro ng marine biodiversity sa buong mundo.
Hindi talaga maikakaila na problema ang dulot ng nasabing oil spill sa mga naapektuhang bayan sa Oriental Mindoro dahil halos mawalan na ng pagkakakitaan ang mga mangingisda sa mga nasabing bayan.
Hangad namin na sana ay masolusyunan na ng pamahalaan ang nangyayaring ito dahil hindi lamang ang mga mangingisda ang apektado kundi maging ang kalikasan.
Ano na lamang ang maipapamana natin sa ating mga susunod na henerasyon kung hindi maisasayos muli ang karagatan at hindi maialis ang mga langis doon na dulot ng isang tanker na lumubog?
Sana ay mabilis na aksyon ang gawin ng ating pamahalaan.