Game na game na sumabak sa isang challenge ang aktres at social media influencer na si Ivana Alawi kung saan nagtinda siya ng mga street food sa kalsada at sa kanyang pinakabagong vlog, naging street food vendor ang dalaga ng buong araw at inikot-ikot ang ilang kalsada sa Maynila.
Bukod sa pagtitinda, nilagyan niya ito ng twist dahil imbis na siya ang kumita sa ginawang negosyo, siya pa ang namigay ng papremyong pera sa mga bumili ng kanyang tinda.
Naghanda siya ng ilang random questions at ang mga makakasagot ay bibigyan ng isanlibong piso.
Bukod pa riyan ang isa pang isanlibong piso para sa mga naka-subscribe sa kanyang YouTube channel.
“Mamimigay tayo ng pera. Nag-ready ako ng questions. So ano ito, iba-iba. May about sa Pilipinas tapos about me. Basta halo-halo talaga siya. Pag nakasagot sila, meron silang 1,000 pesos,” sabi ng dalaga.
“Kung hindi man sila nakasagot basta naka-subscribe sa aking YouTube na Ivana Alawi, meron silang 1,000 pesos. So per person, pwede silang makakuha ng up to 2,000 pesos,” dagdag niya.
Bago mag-umpisa ang kanyang gimik, ipinakita niya rin sa video na nag-rent lamang siya ng street food cart na may tindang lumpiang toge, bola bola at kwek kwek.
Halos apat na lugar ang napuntahan ni Ivana base sa kanyang video at marami sa mga naging customer niya ay nabigyan ng pera.
At dahil marami na naman ang napasaya ni Ivana, libo-libong netizens ang humanga sa pagiging down to earth ng vlogger.