Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong nakaraan na hindi umano dapat na maging dahilan ang PUV modernization program para mawalan ng trabaho ang ibang tsuper at operator.
Ayon sa Pangulo, napag-usapan sa pulong ng ilang opisyal sa Palasyo at ilang lider ng nag-welgang transport groups ang PUV modernization at matapos ang pagpupulong, itinigil na ng mga nagwewelgang grupo ang kaniyang tigil-pasada nitong Miyerkules.
“Ang problema na kanilang sinasabi ay baka hindi sila mapautang para makapagbili ng bagong sasakyan. Kaya’t yan ang tinitingnan namin ngayon na tiyakin na walang mawawalan ng trabaho dahil hindi nakapagbili ng electric vehicle pagdating ng panahon,” Ayon sa pangulo.
“Wala pa tayo doon pero sa ngayon ang ginagawa lang natin tiyakin lang natin na safe ang ating mga sasakyan… na hindi malagay sa alanganin ang mga pasahero, ang mga commuter,” dagdag niya.
Kinumpirma ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil, ang naturang pulong na ginanap nitong Martes, kasama sina PISTON president Mody Floranda at lider ng grupong Manibela na si Mar Valbuena.
Sa video na ipinost ng PCO, nagpahayag ng suporta sina Valbuena at Floranda sa programa pero umapela sila na gawin ito sa paraan na walang maiiwan, patas, makatao, at resonable.
Samantala, sinabi naman ng Department of Transportation na rerepasuhin ng pamahalaan ang 2017 Omnibus Franchising Guidelines, na nagsisilbing gabay sa PUVMP.