Inamin ng aktres na si Bianca Umali na nagbago na rin ang pananaw niya sa usaping “kamatayan” dahil limang taong gulang pa lamang siya nang pumanaw ang kanyang nanay at makalipas ang lima pang taon, ang tatay naman niya ang namaalam.
Iginupo ng cancer ang buhay ng kanyang ina, at sakit sa puso naman ang naging dahilan ng pagkamatay ng tatay ni Bianca. Kaya naman talagang lumaki at nagdalaga siya nang walang mga magulang.
Ayon kay Bianca, hindi lumilipas ang bawat araw na hindi niya naiisip ang kanyang mga magulang.
“Noong bata po kasi ako, wala pa naman po akong naiintindihan, so I did not know the gravity ng sitwasyon kung nasaan ako na I was losing both of my parents. Kapag umiiyak ang ibang tao umiiyak ako, kapag masaya ang ibang tao masaya ako,” sabi ni Bianca.
“Ngayon na tumatanda ako, habang lumilinaw ang pag-iisip ko at nakikita ko ang realidad ng mundo, every year that I get old, mas nagiging raw or fresh sa akin na wala akong mommy at daddy. Siguro nakukuha or nagagawa ko ‘yung mga bagay na dapat itinuturo sa akin, or dapat may kasama ako na gawin, but I don’t have them beside me,” dagdag ng dalaga.
Sabi ng aktres palagi ring sumasagi sa isip niya na, “Sana’y nandito si mom, sana nandito si dad?” Pero agad naman niyang nilinaw na hindi ito pagbalewala sa lahat ng ginawa sa kanya ng kanyang lola.
“I actually say this a million times na talagang ‘yung buong buhay ko, ‘yung buong ako, I owe it to my lola,” saad pa ng GF ni Ruru Madrid.