Nananawagan ng tulong si Pola, Oriental Mindoro Mayor Jennifer Cruz na makapagbibigay ng kongkretong tulong ang may-ari ng lumubog na MT Princess Empress sa kanyang mga kababayan.
Ito ay dahil sa ang bayan ng Pola ang pinakamatinding napinsala ng oil spill dulot ng paglubog ng nasabing motor tanker, na may lulang 800,000 litro ng industrial fuel oil.
Ayon kay Cruz, sa wakas ay nakipag-usap na sa kanila ang may-ari ng MT Princess Empress.
“Ang sabi niya magbibigay ng ayuda, pero siyempre masyadong matagal bago sila nagpakita, kaya ang sabi ko sa kanila, pag-uusapan namin… ng ating gobernador kung ano yung kailangan namin,” ayon sa alkalde.
“Kasi, this time, kaya naman na ng Department of Social Welfare and Development at ng local government yung kanilang iniaalok. So kailangan natin maglatag sila ng concrete na kailangan io-offer nila for buong Oriental Mindoro and lalo na sa bayan ng Pola,” dagdag niya.
Sinabi pa ng alkalde na pag-uusapan pa nilang mga opisyal kung itutuloy nila ang demanda laban sa may-ari ng motor tanker.
“Ang sinasabi niya may miscommunication. Ang sinasabi niya siyempre parang nagulat din sila, so dapat, sabi ko sa kanila, dapat kapag ganyang emergency, yung immediate na pupunta sila doon sa lugar na dapat makipag-usap sila nang maayos,” sabi ni Cruz. “Hindi yung papatayan nila ng telepono or hindi talaga sila magre-reply doon sa mga tao na inutusan natin para makipag-usap sa kanila.”
“Sabi ko wag silang matakot na humarap, dahil kailangan harapin nila yung kanilang negligence. Kailangan maipakita nila kung ano yung pwede nilang maitulong at kailangan sagutin,” dagdag niya.
Ayon sa mayora, nagpadala na ng tulong ang Department of Environment and Natural Resources sa paglilinis ng oil spill at nagbigay na rin ang Department of Social Welfare and Development ng food pack sa mga apektadong residente.