Nailunsad na ang tatlong araw na Election Summit ng Commission on Elections (Comelec) sa isang hotel sa Pasay City na may temang “Pagtutulungan sa Makabagong Halalan” na nag-imbita ng iba’t ibang election watchdog, civil society groups at mga stakeholders sa halalan.
Ayon kay Comelec chairman George Garcia, layon nito na simulang makapagbigay ng kontribusyon ang lahat para magkaroon ng mas maayos at malinis na halalan.
Bahagi ng programa ang exhibit kung saan ibinida ng Comelec ang makasaysayang dilaw na ballot box na ginamit sa mga nakalipas na halalan at ang mga vote counting machines o VCM na ginamit naman sa nagdaang mga automated elections.
Sa unang araw ng summit, panauhing pandangal sina Senador Imee Marcos, Chairperson ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation, at Mountain Province Lone District Rep. Maximo Dalog Jr., chairperson naman ng House Committee on Electoral Suffrage and Electoral Reforms.
Sa orihinal na schedule na ibingay ng Comelec, kasama dapat sa bisita ngayong araw si House Speaker Martin Romualdez pero ayon kay Garcia, hindi ito nakadalo dahil may iniindaang karamdaman.
Itinuturing ng Comelec na makasaysayan ang pagdaraos ng election summit na ito kung saan ayon kay Garcia, patunay ito na handa ang komisyon na makinig at umaksyon sa mga isyung may kaugnayan sa halalan.
“Not only because this is the first, because it shows to everyone the intention of Comelec to listen and to consult everybody… Mahirap na kami lang po ang may monopoly ng pamamaraan kung paano tayo magkakaroon ng election management… We will listen and definitely act accordingly,” sabi ni Garcia.
Magiging highlight ng tatlong araw na National Election Summit ang pagdalo ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. sa Biyernes.