Nakatakda nang simulan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang dry run para sa pagpapatupad ng matagal nang pinaplanong motorcycle lanes sa Commonwealth Avenue, Quezon City sa darating na Huwebes, Marso 9, at magtatagal hanggang Linggo, Marso 12.
Sinabi ng MMDA na ilalagay ang exclusive motorcycle lanes sa ikatlong linya mula sa sidewalk ng Commonwealth Avenue mula Elliptical Road hanggang Doña Carmen at vice versa.
Ayon kay MMDA acting chairperson Don Artes, layon ng dry run na i-familiarize ang motorcycle riders na dumadaan sa Commonwealth Avenue sa ipatutupad na polisiya.
Wala rin aniyang huhulihing motorista sa pagsasagawa ng dry run na magtatagal nang apat na araw.
Pero simula sa susunod na linggo ay ipatutupad na aniya ang mahigpit na implementasyon ng exclusive motorcycle lanes sa Commonwealth Avenue.
Multang P500 ang ipapataw sa mga lalabag.
Sa susunod na linggo, aalamin ng MMDA kung saan nagkakaroon ng “bottlenecks” o mga bahagi ng kalsada kung saan naiipon ang mga sasakyan dahil sa pagkipot ng daan.
Oras na ipatupad na ang linyang para lang sa motorsiklo sa Commonwealth, mananatiling bike lane ang outermost lane, katabi nito ang PUV lane, at saka isusunod ang motorcyle lane.
Papatawan ng multa ang mga motorcycle riders na lalabas sa kanilang lane, gayundin ang mga sasakyang papasok sa motorcyle lane.
Sana lamang ay talagang maging epektibo ang hakbang na ito ng MMDA, dahil hindi maikakaila na marami na ang nadisgrasyang mga motorista sa Commonwealth Avenue.