Hindi na maikakaila na talagang dumadami na naman ang kaso ng mga patayan sa bansa, lalo na yung may mga kaugnayan sa politika.
Nitong nakaraan lamang ay napaslang ang gobernador ng Negros Oriental na si Roel Degamo habang noong mga nakaraang linggo naman ay ilan pang mga opisyal ng mga lokal na pamahalaan ang napaslang o pinagtangkaang paslangin.
Ang dating tuloy ngayon ay parang walang habas na ang mga kaso ng pagpatay at pamamaril.
Nitong nakaraan rin ay naiulat na namatay ang isang lalaki at isang babae matapos silang pagbabarilin sa Lucena City, Quezon at ang tinitingnang motibo sa pamamaslang ay ang kaugnayan ng babae sa ilegal na droga.
Nangyari ang insidente sa Barangay 6 kung saan natagpuang nakahandusay sa kalsada sina John Carlo Leoparte at Charisse Daen na may mga tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Tumugon ang mga awtoridad, base sa report ng isang concerned citizen.
Dead on the spot si Leoparte, habang nadala pa si Daen sa ospital pero namatay din kalaunan.
Blangko pa ang mga awtoridad sa mga nasa likod ng pagpatay, pero ayon sa record ng pulisya, may dati nang akso si Daen na may kaugnayan sa ilegal na droga.
Nagsimula nang magsagawa ng backtracking procedure ang pulisya, at inaalam kung may CCTV sa pinangyarihan ng krimen na makatutulong sa imbestigasyon.
Inalarma ng Lucena City Police Station ang patrol units at ang SWAT para sa posibleng hot pursuit operation.
Nakuha na ng mga kaanak ang mga labi ng dalawang biktima mula sa punerarya.
Nakaalarma na ang mga ganitong klaseng pangyayari. Sana ay magawan nang paraan ng ating mga otoridad na maresolba at masugpo na ang mga ito.